Biyernes, Nobyembre 20, 2015

Ang mga Anim na Pamantayan ng Ahlus Sunnah wal Jama-'a

{ Ang Pagsasafilipino ng Aklat na " Al-Usul Assitta" / SIX POINTerS
(Ang mga Anim na Pamantayan) ni Imam Muhammad bin Abdulwahhab رحمه الله }


Sa lahat ng mga pangalan ng Allah, ni Rahman ang maawain, ni Rahim ang mahabagin
Sinabi ni Sheikh Muhammad bin Abdulwahhab:
       Ang nakakamangha at nakapagtataka sa lahat, at napakalaking tanda ng Allah تعالى na nagpapatunay sa Kanyang natatanging lakas at kapangyarihan -siya si Malik ang hari ng sanlibutan at sangkalawakan na hindi matatalo at mapapantayan -  ay ang mga anim na pamantayan na Kanyang binigyang linaw nang lubos na pagkalinaw para sa sankatauhan, kalinawan na higit pa sa inaasahan ng karamihan. Ngunit sa kabila niring kalinawan, marami kayang matatalino at henyo ng mundo paukol sa mga bagay na ito ang nasa kamalian, maliban sa mga napakakonting nagabayan bagkus sila lamang ay iilan. 
     Ang unang pamantayan: Ang kalinisan at kadalisayan ng pagsamba sa Allah تعالى nang nag-iisa at walang halong katambal. At ang pagpapahayag sa kasalungat nito: ang pagtatambal sa Allah تعالى. At ang pagbibigay-diin ng Quran sa pamantayang ito at ang pagpapaliwanag nito sa maraming paraan na mismo ang pinakahangal na tao ay makakaintindi nito. At kalaunan, nung kumalat at nangibabaw ang kamangmangan sa sankatauhan, madali silang nailinlang ni Satanas at kanyang ginawa ang kalinisan at kadalisayan ng pagsamba sa pagrerespeto sa mga taong maka-diyos at kanyang ginawa ang kaisahan ng Allah تعالى sa pagmamalabis sa pagmamahal sa mga taong maka-diyos. 

Ang pangalawang pamantayan:
         Ang kautusan ng Allah تعالى sa pagkakaisa sa ngalan ng pananampalatayang Islam at Kanyang pagbabawal sa pagkakahiwa-hiwalay at pagkakawatak. At ito ay kanyang binigyang linaw at paliwanag nang maigi na maiintindihan ng lahat. At pinagbawalan tayong matulad sa mga nagkahiwalay at nagkawatak-watak mula sa sinaunang nasyon na siyang naging sanhi ng kanilang kapahamakan at kasawian.
      At ito ay sinundan pa ng pagpapahayag at pagbibigay-diin ng Sunnah ng Propeta صلى الله عليه وسلم na pagkarami-raming mga Hadith patungkol sa pangalawang pamantayang ito.
     Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, naging baliktad sa kanila ang pamantayang ito. Ang pagsasalungat at pagkakaiba sa pananampalataya ay tila isang normal na bagay na hindi na kailangan baguhin. At ito na ang kinikilala ng karamihan bilang pananampalataya at kaalaman. Samantala, ang paghihikayat at panawagan sa pagkakaisa sa iisang pananampalataya ay bagay na kasindak-sindak at kagimbal-gimbal sa pananaw ng karamihan, bagay na hindi na mababago kailanman.
Ang pangatlong pamantayan:
       Ang pagsunod at pagrespeto sa isang pinunong muslim. At ito ay tuláy tungo sa pagkakaisa at kaunlaran, kahit pa ang namumunong ito ay may mababang antas, may kakaunting kaalaman at mababa ang pinag-aralan. At ang pamantayang ito ay binigyang-diin at ipinahayag ng Allah تعالى ng sapat na pagpapaliwanag sa pamamagitan ng Kanyang rebelasyon at mga katibayan at mga nilikhang palatandâan upang kapulutan ng aral at panghawakan. Ngunit sa kabila ng mga pakarami-rami ng Kanyang mga palatandaan at mga katibayang naihayag ay kinalimutan na ang pamantayang ito ng karamihan at hindi na halos maisakatuparan. Kahit pa mismo sa mga muslim na nagkukunwaring maalam at nag-aangkin ng kaalaman.

Ang pang-apat na pamantayan:
      Ang pagpapahayag ng Allah تعالى at Kanyang pagpapatunay sa kaalaman at pagkilala sa mga maalam, at pagbubunyag sa mga nag-aangkin ng kaalaman at sa mga nagpapanggap na maalam. At ang pamantayang ito ay binigyang diin at ipinahayag ng Allah تعالى sa Qur'an at kabilang na rito ang surah Albaqarah mula talata (48) ika-apatnapu't walo hanggang talata (122) ika-isang-daan at dalawampu't dalawa.*
      At ipinaliwanag pa ito nang lubos ng Sunnah ng Propeta صلى الله عليه وسلم, pagpapaliwanag na maiintindihan ng lahat ng antas ng mga tao. Ngunit sa kabila ng kaliwanagang ito, ang pamantayang ito ay naging di-kilala at kabigha-bighani sa paningin ng mga tao.
      At ang tunay na kaalaman ay naging bid'a/makabago at pagkaligáw sa kanilang palagay. At naging mas kaibig-ibig sa kanila ang panlilinlang sa katotohanan at tamang gabay.
      At ang kaalaman na ipinahayag at pinatunayan ng Allah تعالى, ang sinuman magtátaglay nito at nananawagan sa katotohanan ay binabatikos at pinagbibintangan na isang hangal at walang kaalaman. At para sa kanila, yaong mga bumabatikos sa kanila ay sila ang tunay na maalam, paham at pantás na taglay ang tunay na kaalaman.


Ang panlimang pamantayan:
    Ang pagpapahayag ng Allah تعالى sa mga palatandaan ng kanyang mga alipin na maka-diyos at pagkilala sa kanila at ang pagsisiwalat ng mga kaibahan nila sa mga  sumusuway sa Allah تعالى at makasalanang nilalang. Sapat na patunay sa pamantayang ito ang mga talatang ito:
      - ang talata ng Al-imran:
قل إن كنتم تحبون الله فاتبعوني يحببكم الله) الآية)
Sa malapit nitong pakahulugan:
Sabihin mo sa kanila O Muhammad: Kung tunay nga na minamahal ninyo ang Allah تعالى , marapat na ako ay sundin at ituring bilang inyong huwaran. Sapagkat sa ganitong paraan makakamit ninyo ang pagmamahal ng Allah تعالى at kanyang kaluguran.
   - ang talata ng Alma-idah:
 يا أيها الذين آمنوا من يرتد منكم عن دينه فسوف يأتي الله بقوم يحبهم ويحبونه )   الآية )
Sa malapit nitong pakahulugan:
O kayong nagsisisampalataya! sinuman sa inyo na kanyang talikdan ang pananampalatayang Islam, marapat niyang malaman na Siya si Ghaniy ang ganap na walang kakulangan at hindi nangangailangan kaninuman. Kung kaya't Siya ay lilikha ng sambayanan na mamahalin Niya at mamahalin Siya ( i.e. mananampalatayang maka-diyos).
  - ang talata ng Yunus:
(ألا إن أولياء الله لا خوف عليهم ولا هم يحزنون، الذين آمنوا وكانوا يتقون)
Sa malapit nitong pakahulugan:
Marapat mong malaman na silang mga maka-diyos na mananampalataya na minamahal ng Allah تعالى at nagmamahal sa Kanya, ay wala silang dapat na pangambahan at katakutan anuman ang kanilang haharapin, at wala silang dapat na ikalungkot anuman ang lumipas at  anumang natapos na. Sila yaong mga mananampalataya at sila yaong may takot at pangamba sa Allah تعالى.
    Ngunit sa kabila ng lahat kalinawang ito, naging malabo sa paningin ng karamihan ang pamantayang ito. Sapagkat sa kanilang pananaw, ang tunay na maka-diyos ay silang mga lumalamang sa antas ng mga propeta at sugo. Kung kaya, bakit pa kailangan nilang pumailalim sa kanila at makisabay sa mga gawaing pagsamba ng mga karaniwang tao???
    At para sa kanila, ang isang maka-diyos ay siyang hindi na kailangan pang makibaka sa landas ng Allah تعالى nang dahil sa antas na kanyang natamo.
    At para sa kanila, ang isang maka-diyos ay siyang naabot na ang antas ng kalayaan sa pananagutan, obligasyon at kautusan.
    Ya Rabbana! O aming Panginoon hinihingi namin ang Iyong kapatawaran at kaligtasan at kapayapaan, tunay na Ikaw si Sami’ ang ganap na tumutugo’t nakakarinig ng lahat ng kahilinga’t panalangin.

Ang pang-anim na pamantayan:
      Ang pagbibigay ng solusyon sa fitnah o udyok ni Satanás upang talikdan ang Qur-an at Sunnah at upang mapadali ang pagtanggap ng anumang mga kaisipan at ideya at pagtangkilik nito.
       At ang pag-uudyok na ito ay ang ideya na “Wala nang nakakaalam sa mga pakahulugan ng Qur'an at Sunnah maliban sa mga paham na lubusan ang kanilang tiyaga sa pagsasaliksik ng kaalaman.” At kanilang inilalarawan ang mga paham na ito ng mga pambihirang katangian na halos hindi taglay nina Abu Bakr at Umar رضي الله عنهما. At kung sinuman ang hindi magtátaglay ng mga katangiang ito ay marapat sa kanya na huwag nang intindihin ang Qur'an at ang Sunnah dahil kapag kanyang sinubukang intindihin ang Qur'an at Sunnah ay kanya lamang ito ikapapahamak.
        سبحان الله!!!
        SubhanaLLAH, kay rami kayang mga katibayan at palatandaan ng Allah تعالى na nagpapahayag sa pagtanggi at paghuhuwad sa pag-uudyok na ito o ideyang ito. Ngunit marami pa rin ang hindi naliliwanagan at hindi nila nalalaman.
لَقَدْ حَقَّ الْقَوْلُ عَلَىٰ أَكْثَرِهِمْ فَهُمْ لَا يُؤْمِنُونَ * إِنَّا جَعَلْنَا فِي أَعْنَاقِهِمْ أَغْلَالًا فَهِيَ إِلَى الْأَذْقَانِ فَهُمْ مُقْمَحُونَ * وَجَعَلْنَا مِنْ بَيْنِ أَيْدِيهِمْ سَدًّا وَمِنْ خَلْفِهِمْ سَدًّا فَأَغْشَيْنَاهُمْ فَهُمْ لَا يُبْصِرُونَ * وَسَوَاءٌ عَلَيْهِمْ أَأَنْذَرْتَهُمْ أَمْ لَمْ تُنْذِرْهُمْ لَا يُؤْمِنُونَ * إِنَّمَا تُنْذِرُ مَنِ اتَّبَعَ الذِّكْرَ وَخَشِيَ الرَّحْمَٰنَ بِالْغَيْبِ ۖ فَبَشِّرْهُ بِمَغْفِرَةٍ وَأَجْرٍ كَرِيمٍ
[سورة يس 7 - 11]
Sa malapit nitong pakahulugan:
         Tunay na nararapat lang sa kanila ang kaparusahan - ang manatili sila sa kamalian- sapagkat ang karamihan sa kanila ay hindi tunay na mananamplataya.
Kaparusahan  para sa kanila kung saan sila ay tila isang may gapos na bakal na sumasaklaw sa kanyang buong leeg na walang kakayahan kundi ang tumingala, ni lumingon pakana't pakaliwa, kahit na ang katotohanan ay nasa kanyang harapan ay hindi pa rin ito magawang mátagpuán at sapagka't siya ay naroroon sa lugar na saradong ganap, may harang sa kanyang harapan at gayundin sa kanyang likuran. Kaya kahit anong dami ng mga katibayan sa katotohanan ay hindi nila ito makikita at mamalasin na tila isang manhid na bulag. Kung kaya sila ay hindi na magagabayan, bigyan mo man sila ng mga babala at pangaral o hindi ay hindi na sila mananampalataya. Ngunit ang tanging makikinabang mula sa iyong babala at mga pangaral ay yaong mga isinasabuhay nila ang mga katuruan ng Qur'an at may takot kay Rahman سبحانه وتعالى at nanámpalataya sa Araw ng paghuhukom. Kaya nararapat lamang na ipaalam sa kanila at ihandóg ang kapatawaran ng Allah تعالى at ang Kanyang Paraiso.

Wakas ng mensaheng ito. Ang lahat ng pasasalamat at pagpupuri
ay nararapat lamang sa Allah تعالى, kay Rabbal-’a-lamin ang Tagapangasiwa ng sanlibutan.



وصلى الله على سيدنا محمد وعلى آله وصحبه وسلم تسليما كثيرا إلـى يوم الدين






==============
Talababaan:
* napapaloob sa mga talatang ito ang mga katangian ng isang tunay na maalam tulad ng pagpapaálala sa mga biyaya ng Allah تعالى at Kanyang mga kabutihan, pagpapasalamat sa Kanya, pagkamatapat sa kanyang panawagan tungo sa katotohanan, pag-aalaga sa mga kautusan ng Allah تعالى , pagsasabuhay sa kanyang kaalaman at ipinapaalam,atbp.


ترجمه أبو حيان

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento